Sa limang taon ko sa “Build, Build, Build” program ni Pangulong Rodrigo Duterte, kasama si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar, nakumpleto natin ang 29,264 kilometrong kalsada, 5,950 tulay, 11,340 flood control projects, 150,149 na silid-aralan, at iba pa.
Milyun-milyong Pilipino ang nakikinabang sa mga mga proyektong ito at 6.5 milyon ang nabigyan ng trabaho sa ilalim nito. Kumbinsido ako na ang “Build, Build, Build” ay dapat na ma-institutionalize bilang isang long term socio-economic policy.
Mahalaga na maipagpatuloy ang mga kasalukuyang imprastraktura at mga proyekto sa pagpapaunlad, at matiyak na ang iba pang mga proyekto ay maisasagawa. Ito ang dahilan kung bakit sinusuportahan ko ang UniTeam at iboboto ko bilang pangulo si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (BBM), at bilang bise-presidente si Davao City Mayor Inday Sara Duterte.
Ang 32.47-kilometro na Panay-Guimaras-Negros Bridge ay mag-uugnay sa anim na mga probinsiya ng Western Visayas. Ito ang isa sa mga “Build, Build, Build” projects na ipinangakong ipagpapatuloy ng UniTeam sakaling sila ang manalo sa Eleksyon 2022.
Ipagpapatuloy din nila ang Bataan-Cavite Interlink Bridge, na mag-uugnay sa Gitnang Luzon at CALABARZON na hindi na kailangang dumaan sa Metro Manila. Kapag ito ay natapos, 40 minuto na lang, sa halip na limang oras, ang biyahe sa pagitan ng Bataan at Cavite.
Ang mga tulay na ito ay mahalaga sa pagsasakatuparan ng layunin ng “Build, Build, Build” na pag-ugnayin ang ating mga isla. Pinapabuti ng mga tulay ang pag-access sa pagitan ng mga bayan, lumilikha ng mga pagkakataon para sa pag-unlad, at nag-uugnay sa mga komunidad, sa gayon ay nagpapalakas ng pagkakaisa sa mga Pilipino.
Pagkakaisa rin ang isinusulong ng UniTeam.
Ayon kay Mayor Sara, hangad nilang mapanatili ang pag-unlad na dulot ng mga programa ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Duterte. Nais nilang maghatid ng mas maunlad na kinabukasan para sa lahat ng Pilipino. Kaya binigyang-diin niya ang pagkakaisa.
Naniniwala naman si BBM na pagkakaisa ang unang hakbang upang mapagtagumpayan ang krisis na hatid ng pandemya.
Sigurado ako na ang UniTeam, base sa kanilang track record, ay patuloy na makakamit ang mga layunin ng “Build, Build, Build”.
Ang BBM-Inday Sara tandem ay hitik sa karunungan at karanasan. Pareho silang may karanasan bilang mga local chief executives na nagpaunlad sa kanilang mga bayan. Ang karanasan naman ni BBM bilang Senador ay nagbibigay ng kinakailangang macro perspective sa pamamahala.
Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Sara, kinilala ang Davao City na isa sa 2021 Top 10 Richest Cities of the Philippines ng Commission on Audit (COA), at 4th Most Competitive Highly Urbanized City in 2021 ng Department of Trade and Industry (DTI). Sa pagtatapos ng taon, wala ng utang ang Davao City, dahil sinigurado ni Mayor Sara na may pondo para sa loan repayments.
Ang kaniyang Peace 911 program at Caravan of Government Services ay mga inisiyatiba na nagdulot ng kapayapaan at kasaganaan sa siyudad. Kaya naman sa ilalim ni Mayor Sara ay nagpatuloy ang pagunlad ng Davao City.
Samantala, ang mga nagawa ni BBM ay kapansin-pansin din. Bilang gobernador, ginawa niyang first-class province ang Ilocos Norte. Naghanap siya ng mga bago at modernong pamamaraan para mapaunlad ang lalawigan. Pinaunlad niya ang agrikultura at turismo, at itinampok ang mga natural at kultural na destinasyon ng probinsya.
Sa ilalim din ng kanyang pamumuno, naging pioneer ang Ilocos Norte sa wind power technology, na nagpapanatili hindi lamang sa supply ng enerhiya ng lalawigan kundi maging sa iba pang bahagi ng Northern Luzon. Nais din niya itong gawin sa buong bansa—tiyakin ang sapat ngunit murang supply ng kuryente, dahil ang Pilipinas ay mayaman sa renewable energy resources na maaaring magbigay ng higit sa sapat na power supply kapag na-explore at na-tap nang maayos.
Ang nais ni BBM ay maibalik ang tiwala at kumpiyansa ng mamamayang Pilipino sa burukrasya ng gobyerno. Nais niyang ibalik sa mga Pilipino ang “sense of pride” at ang pagiging makabayan. Gusto niya na bawat Pilipino ay taas-noong sasabihing, “Pilipino ako.”
Nais ng UniTeam na mapagkaisa ang mga Pilipino patungo sa layunin ng isang maunlad na Pilipinas. At kung gusto nating magpatuloy ang “Build, Build, Build”, sila ang dapat nating suportahan at iboto.