top of page
Writer's pictureAnna Mae Yu Lamentillo

Bakit ko iboboto si Mark Villar?


Sa simula pa lang, malinaw ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang “Build, Build, Build” team: Tapusin ang pinakamaraming proyekto hangga't maaari sa pinakamaagang panahon.


Naaalala ko nang italaga si Mark Villar na pamunuan ang Department of Public Works and Highways (DPWH), marami ang hindi naniniwala. Tamad siguro kasi mayaman na. Pero saksi ako kung paano siya magtrabaho. 7 AM pa lang, nasa opisina na. Simula’t sapul, nais niyang ibigay ang lahat ng kaniyang makakaya para magampanan ang kaniyang tungkulin bilang czar ng "Build, Build, Build".


Marami siyang kinaharap na pagsubok sa DPWH, tulad ng ghost projects, isyu sa right-of-way, at pagbabanta sa kaniyang buhay. Pero di niya ito ininda at patuloy na isinulong ang mga reporma para maisagawa ng maayos ang mga proyekto ng gobyerno.


Sa unang anim na buwan ng kanyang panunungkulan, ginamit ni Secretary Mark ang drone at satellite technology para sa pagsubaybay sa mga proyekto ng DPWH at pagtanggal ng mga ghost project.


Inilunsad niya ang Infra Track app, na mayroong built-in geotagging feature na nag-plot ng mga larawang nai-input sa system para sa pagsubaybay sa mga eksaktong geographic coordinates kung saan sila kinuha. Awtomatikong inaalerto ng system ang mga pangunahing opisyal ng DPWH kapag may mismatch sa ang isang proyekto. Ibig sabihin, hindi kuha ang litrato sa parehong lokasyon. Sa ganitong paraan, tiniyak ni Secretary Mark na walang ghost projects sa DPWH.


Kapag naka-detect ang system ng 5% negative slippage, automatikong magpapadala ng babala sa contractor at oobligahin itong magsumite ng "catch-up program". Kung magpapatuloy ang delay at umabot sa 15% ang negative slippage, bibigyan siya ng huling babala at oobligahin magsumite ng mas detalyadong programa ng mga aktibidad na may weekly physical targets.


Ang nasabing contractor ay hindi papayagang makasama sa mga susunod na bidding hangga’t ang negative slippage ay hindi mas mababa sa 15%.


Nalutas din ni Secretary Mark Villar ang ilang dekada nang problema ng right-of-way (ROW) acquisition. Halimbawa, anim na pangulo ang nagdaan bago makumpleto ang Radial Road 10. Ngunit sa unang anim na buwan ng administrasyong Duterte, ang mga isyu sa ROW ay nalutas sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba't ibang ahensiya ng gobyerno. Ngayon, ang oras ng paglalakbay sa pagitan ng Maynila at Navotas City ay 30 minuto na lang.


Nagawa niya ito sa pamamagitan ng Department Order No. 65 (serye ng 2016), na nag-decentralize sa ROW acquisition functions at nagtalaga ng mga tungkulin at responsibilidad sa iba't ibang mga implementing unit. Inalis ang Infrastructure Right-of-Way (IROW) Committee na nagdudulot ng pagkaantala sa pagresolba sa mga ROW claims. Inayos at pinadalirin ang proseso ng pagbibigay ng ROW documentary requirements, payment at processing.


Nagpatupad din si Secretary Mark ng mga reporma sa proseso ng public procurement, tulad ng pag-iisyu ng Department Order No. 127 (2018) tungkol sa mahigpit na pagpapatupad ng R.A. 9184 (Government Procurement Reform Act) sa pagsasagawa ng post-qualification ng mga bidder na may delayed on-going contract sa DPWH.


Dahil sa mga repormang ito na ipinakilala ni Secretary Mark, nagawa ng DPWH, sa loob ng limang taon, ang kabuuang 29,264 kilometro ng mga kalsada, 5,950 tulay, 11,340 flood control projects, 150,149 classrooms, 222 evacuation centers, 133 TIKAS projects, at 739 “We Heal As One Centers” na may kabuuang 27,302 bed capacities. Bukod dito, 6.5 milyong Pilipino ang nagkaroon ng trabaho dahil sa “Build, Build, Build.”


Malaki rin ang pasasalamat ni Pangulong Duterte kay Secretary Mark, kaya lagi niya itong kinikilala at pinapupurihan sa kaniyang mga nagawa. Kung tutuusin, binigay talaga ni Secretary Mark ang lahat ng kaniyang makakaya para magampanan ang kaniyang tungkulin.

bottom of page