top of page
Writer's pictureAnna Mae Yu Lamentillo

Bakit ko iboboto si Mark Villar?


Kilala si Secretary Mark A. Villar bilang “silent worker” dahil kapansin-pansin ang kanyang mga nagampanang trabaho at mga proyekto, ngunit hindi niya ito ipinagyayabang. Matipid sa salita, ngunit hindi nagkukulang sa gawa.


Noong 2016 ay nahalal siya sa kaniyang pangatlong termino bilang representante ng nag-iisang distrito ng Las Piñas. Handa na siya noon na ipagpatuloy ang kaniyang tungkulin bilang mambabatas. Kabilang sa kanyang mga nagawa sa Kongreso sa kaniyang unang dalawang termino ay ang paghain ng mga panukalang batas sa edukasyon, kalusugan at kabuhayan, kabilang ang Negosyo Act na nagpo-promote ng micro finance, at ang Lemon Law na nagpoprotekta sa mga bumibili ng sasakyan. Isa rin siya sa mga tagapagtaguyod ng Co-Loading Act, na nagbukas ng domestic transport at shipping sa mga dayuhang barko.


Ngunit bago pa man magsimula ang kaniyang pangatlong termino, inanyayahan siya na maging bahagi ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang pinuno ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Tinanggap niya ang tungkulin at ipinakita ang kaniyang galing at dedikasyon sa trabaho.


Pambihirang nagawa sa DPWH


Sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Mark, natapos ng DPWH ang 29,264 kilometrong daan, 5,950 na mga tulay, 11,340 na flood control projects, 150,149 na silid aralan, at 222 evacuation centers sa loob ng limang taon. Sa kabila ng kaniyang mga nagawa, nanatili siyang mapagkumbaba, ibinabalik ang mga puri at pasasalamat sa mga nakatrabaho niya.

Hindi madali ang tungkulin at trabaho ng DPWH. Halimbawa, ang paggawa ng kalsada ay hindi lang nakatuon sa mismong konstruksyon nito. Bukod sa mga master plan at blueprint, kailangang tiyakin ang pagmamay-ari ng lupa, lutasin ang mga isyu sa right of way (ROW), dumaan sa expropriation proceedings, at sundin ang proseso ng burukrasya.


Tinugunan niya ang mga hamon na dala ng mga prosesong ito sa pamamagitan ng pag-decentralize sa ROW acquisition functions, pagsasaayos at pagpapadali ng proseso sa mga infrastructure project, at paggamit ng geo-tagging para sa real-time na pagsubaybay sa pag-usad ng mga proyekto.


Ang makamit ang nagawa ni Secretary Mark sa loob ng limang taon at kahit sa gitna ng pandemya ay tunay na kahanga-hanga. Hindi madali, ngunit ipinakita niya kung ano ang kayang gawin kapag ang tao ay may sipag, determinasyon, at pagmamahal sa trabaho.

Sa kabila ng kaniyang mga nagawa, mayroon pa ring mga patuloy na pumupuna at naninira sa kanya, ngunit mas madami ang nagpapahalaga sa kaniyang pagsusumikap.


Nagpapatunay dito ang iba’t ibang pre-election surveys kung saan lagi siyang kabilang sa mga nangungunang senatoriables.


Malaki rin ang pasasalamat ni Pangulong Duterte kay Secretary Mark. Lagi niya itong kinikilala at pinapupurihan sa kaniyang mga nagawa.


Dahil sa pagsusumikap ni Secretary Mark, mas marami nang oras ang mga Pilipino para makasama ang kanilang mga pamilya sa halip na nasa trapik sa kalsada, salamat sa EDSA Decongestion Program; naihahatid ng mga magsasaka ang kanilang ani sa mga pamilihan sa mas maikling panahon sa pamamagitan ng mga kalsada at tulay na itinayo sa iba't ibang rehiyon; mas maraming komunidad ang magiging ligtas sa panahon ng mga kalamidad dahil sa mga proyekto tulad ng Leyte Tide Embankment Project; mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng access sa mga pangunahing serbisyo at pagkakataon dahil sa mas magandang mga kalsada, mga tulay, at pagtaas ng inter-island connectivity.


Legislative agenda


Naniniwala si Secretary Mark na mahalaga ang imprastraktura sa patuloy na paglago ng ating mga lungsod, kanayunan, at ng buong bansa. Kaya naman kung siya ay mahalal sa Senado, gagawin niyang institusyonal ang “Build, Build, Build” sa pamamagitan ng pagsasabatas nito.


Alam din ni Secretary Mark ang hirap na pinagdaanan ng mga frontliners sa panahon ng pandemya. Kaya nais niyang magkaroon ng mga benepisyo ang lahat ng frontliners sa panahon ng pandemya, kabilang ang mga medical o health practitioners, construction worker, public utility operators at empleyado. Kabilang sa mga benepisyo ay ang hazard pay, karagdagang leave benefits, medical allowance at insurance, at iba pa.


Nais niya rin magkaroon ng “super core council” na binubuo ng mga kaugnay na ahensiya ng ehekutibo at iba pang sangay ng gobyerno para magkaroon ng foundational capacity ang gobyerno na tumugon sa public health emergency o sa mga kalamidad, at bumuo ng whole-of- government approach para sa isang comprehensive pandemic health action plan and response.


Marami pang ibang prayoridad si Secretary Mark, tulad ng: pagsulong ng suporta sa imprastraktura para sa mga magsasaka upang mapataas ang kapasidad ng industriya ng agrikultura para sa mas mahusay na produksyon; palakasin ang IT infrastructure para mas maraming estudyante ang magkaroon ng access sa online education; suporta sa MSMEs sa pamamagitan ng access sa mga flexible loans at tulong pinansyal upang makabangon sila mula sa epekto ng pandemya; gumawa ng batas laban sa lahat ng uri ng diskriminasyon, higit na protektahan ang kababaihan at mga bata laban sa pang-aabuso at pagsasamantala, at pagbutihin ang mga benepisyo para sa mga senior citizen at mga taong may kapansanan.


Kabilang din ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa kaniyang mga plano. Nais niyang magkaroon ng mas madami pang trabaho dito sa bansa, at suportahan ang pagbibigay ng mga programang pangkabuhayan at reintegration services para sa mga umuuwi na OFW, upang hindi na sila mapilitang mangibang bansa.


Nais niyang dagdagan ang pondo para sa mga serbisyo sa mga distressed workers, kabilang na ang libre at komprehensibong serbisyong pangkalusugan at legal na tulong sa mga OFW; palawakin ang digital at financial literacy programs para sa mga OFW at kanilang pamilya; magsagawa ng malawak na information drive upang matiyak na batid ng mga OFW ang mga kasalukuyang programa, serbisyo, at proyekto ng pamahalaan; at pagbutihin ang proteksyon ng ating mga OFW laban sa mga pang-aabuso sa pamamagitan ng pagsugpo sa illegal recruitment at human trafficking at pagtiyak ng pananagutan ng mga may kasalanan.


Marami nang nagawa at marami pang magagawa si Secretary Mark. Napatunayan na niya ito bilang pinuno ng DPWH. Kapag siya ay nahalal bilang senador, walang duda na makakamit niya ang mga planong kaniyang inilatag. Si Secretary Mark ang lingkod bayan na hindi masalita, ngunit sumisigaw ang gawa.

bottom of page