top of page
Writer's pictureAnna Mae Yu Lamentillo

Bakit mahalaga ang “Build, Build, Build” sa food security


Inanunsyo ni President-elect Ferdinand R. Marcos, Jr. na pansamantala siyang uupo sa posisyon ng Agriculture Secretary sa pagsisimula ng kanyang termino, upang tugunan ang matinding hamon na kinakaharap ng sektor.


Ang hakbang na ito ay nagpapakita na ang agrikultura ay isang mataas na priyoridad para sa papasok na administrasyon. Nararapat lamang ito dahil kinakailangan na tiyakin ang seguridad sa pagkain ng ating bansa. Ang pandemyang dulot ng Covid-19, ang mga pandaigdigang kaganapan na nakakaapekto sa mga presyo ng mga pangunahing bilihin, ang mga natural na sakuna, at epekto ng climate change—lahat ng ito ay nagbabanta sa ating food security.


Ayon sa United Nations, mayroong seguridad sa pagkain kapag lahat ng tao, sa lahat ng oras, ay may access sa sapat, ligtas at masustansyang pagkain upang matugunan ang kanilang dietary needs at food preferences para sa isang aktibo at malusog na pamumuhay.

Ang agrikultura ay mahalaga sa pagsisiguro hindi lamang ng ating suplay ng pagkain kundi pati na rin sa ating mga pangangailangan sa nutrisyon. Upang mapataas ang kahusayan ng ating industriya ng agrikultura, kailangang ibigay ng gobyerno ang mga pangangailangan ng ating mga magsasaka at mangingisda, kabilang na ang mga farm-to-market roads.


Sa inilabas ng Food and Agriculture Organization of the United Nations (FAO) na “The State of Food Security and Nutrition in the World 2020,” sinabi dito na ang pamumuhunan sa mga road networks, transport and market infrastructure ay nakatutulong na bawasan ang gastos sa pagdadala ng mga ani ng sakahan sa merkado. Higit pa rito, ang pagpapahusay sa mga all-weather rural roads at national road network ay mas magpapadali sa pag-access ng mga magsasaka sa mga pamilihan at mababawasan ang pre-harvest at post-harvest losses.


Sa pagitan ng 2016-2021, natapos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang 29,264 kilometrong kalsada sa ilalim ng programang “Build, Build, Build” (BBB) ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa nasabing bilang, 2,025 kilometro ay farm-to-market roads, at 94.99 kilometro ay farm-to-mill roads. Ito at ang iba pang mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng BBB ay makatutulong sa pangkalahatang food system sa pamamagitan ng pagbibigay sa ating mga magsasaka at mangingisda ng access para sa transportasyon at pagbebenta ng kanilang mga ani, at pagbabawas ng oras ng paglalakbay upang makarating sa mga pamilihan, na magreresulta sa mas mataas na kita para sa ating mga magsasaka at mas mababang presyo ng mga bilihin.


Halimbawa, nang ang Pigalo Bridge sa Isabela ay sinalanta ng Bagyong Pedring at Quiel noong 2011, ang mga magsasaka na gustong magdala ng kanilang mga produktong pang-agrikultura sa Maynila o Tuguegarao ay kailangang lumihis ng 76 kilometro sa pamamagitan ng Alicia-Angadanan-San Guillermo-Naguilian Road na nagresulta sa dagdag na buong araw na paglalakbay. Tiniis nila iyon sa loob ng walong taon. Noong 2019, natapos ang bagong Pigalo Bridge pagkalipas lamang ng dalawang taon at maaari na ngayong maabot ng mga magsasaka ang kanilang destinasyon ng wala pang isang araw, at para sa ilan sa loob lamang ng 10-15 minuto.


Sa Zamboanga del Norte, anim na farm-to-market roads ang natapos sa loob ng dalawang buwan noong 2018, kabilang ang 700-metrong Barangay Panabang farm-to-market road sa munisipalidad ng Liloy; at ang 500-metrong Barangay Tan-Awan farm-to-market road sa munisipalidad ng Baliguian.


Sa munisipalidad ng Silago, Southern Leyte, napakikinabangan na ng mga miyembro ng komunidad ng Katipunan Village ang apat na kilometrong farm-to-market road ng Catmon.


Ang mga kalsada at tulay na ito, at lahat ng mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng BBB ay nakatutulong na matiyak ang tuluy-tuloy na daloy ng mga tao, kalakal, at serbisyo, sa pamamagitan ng pag-uugnay sa mga hubs at regions, rural communities at urban centers. Ang pag-uugnay sa ating mga komunidad at pagbibigay sa mga tao ng mas mahusay na access sa kanilang pinakapangunahing pangangailangan, lalo na ang pagkain, ay nakatutulong na magbigay ng komportableng buhay para sa lahat ng Pilipino, kabilang ang ating mga magsasaka at mangingisda na ang produktibo at kita ay tataas din sa pamamagitan ng bago at pinabuting mga road network.


Malaki ang pakinabang sa ating mga magsasaka at mangingisda ng mga proyekto ng BBB. Sa paninindigan ng papasok na administrasyon na ipagpatuloy ang BBB, gayundin ang pasya nitong palakasin ang sektor ng agrikultura, umaasa tayong makakamit natin hindi lamang ang food security, kundi maging ang food self-sufficiency.

bottom of page