top of page
Writer's pictureAnna Mae Yu Lamentillo

Bakit Mahalaga ang Maharlika Fund?


Ang mungkahing Maharlika Investment Fund (MIF), na inaprubahan na ng Senado at Kamara, ay nakatakdang maging kauna-unahang sovereign investment fund ng bansa na inaasahang gagawa ng kita para sa gobyerno at makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya.


Makatutulong ito sa pagpapalakas sa programang Build Better More ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil ito ay magiging karagdagang mekanismo sa pagpopondo para sa mga proyektong pang-imprastraktura. Gagamitin din ito para mamuhunan sa mga pangunahing sektor, tulad ng agrikultura at enerhiya.


Ayon kay Senador Mark A. Villar, ang punong may-akda at sponsor ng bersyon ng Senado ng Maharlika bill, tutugunan ng panukala ang pangangailangan ng Estado na pangalagaan at gamitin ang pananalapi ng gobyerno para sa mas malaking kita upang suportahan ang agenda sa pagpapaunlad ng imprastraktura, gayundin ang paglikha ng mga trabaho, at maraming pang iba.


Dagdag pa niya, pinag-aralan nilang mabuti ang panukalang batas at tiniyak na may mga kinakailangang safeguards para masigurado na mapapakinabangan ito ng mga Pilipino.


Magkakaroon ng Maharlika Investment Corporation (MIC) na siyang mamamahala at mamumuhunan sa mga una at hinaharap na kontribusyon sa pondo, at dapat magpatupad ng mga internasyonal na pamantayan at prinsipyo ng transparency at accountability.


Ipinaliwanag ni Senador Villar na ang MIF ay magbibigay ng sari-saring pagkukunan ng kita para sa gobyerno na magagamit sa mga mahahalagang proyektong pang-imprastraktura na kinakailangan upang isulong ang paglago at pag-unlad ng ekonomiya.


Ang mas maraming proyekto sa imprastraktura ay nangangahulugan ng mas maraming oportunidad sa trabaho. Tinatayang nasa 350,000 na trabaho ang malilikha dahil sa Maharlika Fund. Sa huli, ang pagpapaunlad ng imprastraktura at paglikha ng trabaho ay maaaring humantong sa pagsugpo sa kahirapan.


Magbibigay rin ito ng matatag na mapagkukunan ng pondo para sa gobyerno, mababawasan ang panandaliang pangungutang, at magpapabuti sa credit worthiness ng bansa. 


Maitataguyod din ng MIF ang intergenerational wealth transfer dahil ang mga pamumuhunan ay magreresulta sa paglikha ng mahahalagang proyektong pang-imprastraktura na mapakikinabangan maging ng mga susunod na henerasyon.

bottom of page