top of page
Writer's pictureAnna Mae Yu Lamentillo

Night Owl – 8.64% Maharlika equity return


Marami nang mga bansa ang mayroong sovereign wealth fund (SWF), isang pondo o entity na pagmamay-ari ng estado na namumuhunan upang mapakinabangan sa pangmatagalan. Ilan sa mga bansa na mayroong SWF ay Norway, Japan, China, Singapore, Abu Dhabi, Kuwait, Saudi Arabia at Qatar.


Sa ASEAN, tanging Myanmar, Cambodia, at Laos na lamang ang walang SWF kapag naipasa na ang panukalang Maharlika Investment Fund ng Pilipinas.


Ang GIC ng Singapore ay isa sa kanilang mga investment entity na namamahala sa foreign reserves ng bansa. Pinapamahalaan din nito ang karamihan sa financial assets ng gobyerno para ipamuhunan. Dahil dito ay mas maraming napagkukunang pondo ang gobyerno ng Singapore para suportahan ang mga programa sa edukasyon, research and development, pangangalagang pangkalusugan, at kapaligiran.


Samantala, ang Norway Government Pension Fund Global, ang pinakamalaking sovereign wealth fund sa mundo, ay itinayo upang protektahan ang ekonomiya ng Norway mula sa mga pagbabago sa kita ng langis. Ang layunin ng pondo ay upang matiyak na ang yaman na inilalabas ng bansa mula sa mga reserbang langis nito ay maipapalago at magagamit nang responsable upang mapangalagaan nito ang bansa at ang kinabukasan ng mga mamamayan nito kahit na maubusan sila ng langis.


Inilahad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang sovereign wealth fund ng Pilipinas sa World Economic Forum (WEF) sa unang bahagi ng taong ito. Ipinaliwanag niya na ang pondo ay makatutulong sa bansa sa pamumuhunan na magbubunga ng matatag na kita at gayundin sa paglikha ng trabaho, pagpapabuti ng serbisyo publiko, at pag-unlad ng ekonomiya.


Sinabi naman ni Senador Mark A. Villar, ang punong may-akda at sponsor ng Maharlika Investment Fund (MIF) bill, na batay sa mga pag-aaral at projections, posibleng makakuha ang MIF ng 8.64% return on equity kada taon sa susunod na sampung taon.


Magkakaroon ng Maharlika Investment Corporation (MIC) na dapat ay mamuhunan sa iba’t ibang uri ng asset sa lokal at pandaigdigang pamilihan sa pananalapi at sa iba pang mga asset na nagtataguyod ng mga layunin ng pondo.


Dagdag pa ng Senador na ang MIC ay inaasahang magpapanatili ng dalawang pangunahing sub-fund: ang Capital Market Investment Sub-fund, na uunahin ang pagbuo ng mga kita mula sa mga pamumuhunan sa iba’t ibang liquid asset; at Sectoral Investment Sub-fund na papasok sa mga proyektong may mataas na kita na may kaugnayan sa pag-unlad ng bansa.


Sa ganitong paraan, ang MIF ay maaaring makakuha ng 8.64% na return on equity taun-taon. Dahil dito, sinabi ni Villar, maaari nitong palaguin ang seed fund hanggang Php 229 bilyon ngayong 2023.

bottom of page