top of page
Writer's pictureAnna Mae Yu Lamentillo

Night Owl – Palakasin ang kababaihan sa gitna ng digitalisasyon


Noong nakaraang buwan, naimbitahan ako ng International Women Committee (IWC) ng Asian Development Bank (ADB) upang simulan ang kanilang Keynote Speaker Series para sa taong ito.


Ang IWC ay isang impormal na komite sa ADB na nagtataguyod ng diyalogo sa loob ng komunidad ng ADB at sumusuporta sa International Women Staff ng ADB. Isa sa mga aktibidad nito ay ang Keynote Speaker Series kung saan nag-iimbita sila ng mga kilalang mga kababaihan upang talakayin ang iba’t ibang napapanahong paksa. Hiniling sa akin na talakayin ang mga pagsisikap na isulong ang women empowerment sa digital economy.

Binigyang-diin ko ang mga natuklasan ng Alliance for Affordable Internet na nasa isang trilyong dolyar sa GDP ang nawala sa 32 na mga bansa, kabilang ang Pilipinas, bilang resulta ng pagbubukod ng kababaihan sa digitalisasyon.


Ang digital gender divide ay naging mas malinaw dahil sa hindi maiiwasang digital transformation. Halimbawa, ang isang pag-aaral ng International Finance Corp. (IFC) ay nagpakita na ang mga babaeng negosyante ay maaaring mas mahusay na makipagkumpitensya kung mayroon silang kinakailangang digital selling skills pati na rin ang access sa credit, ngunit 61% ng mga kababaihang Pilipino ay hindi pa rin nagmamay-ari ng bank account at hindi bahagi ng pormal na ekonomiya.


Bukod dito, sa Women in ICT Development Index (WIDI) ng Department of Information and Communications Technology (DICT), habang 86% ng kababaihang Pilipino ang nagsabi na may access sila sa internet sa bahay man o sa ibang lugar, 26% lamang ang gumamit nito sa paghahanap sa edukasyon at serbisyo ng gobyerno, habang wala pang 20% ang gumamit nito sa paghahanap ng trabaho at mga oportunidad sa negosyo. At habang 55% ng mga kababaihan ang bumili ng mga produkto o serbisyo online, 6% lang ang nagbebenta ng mga produkto o serbisyo online.


Hindi na natin maiiwasan ang digitalisasyon. Kailangan natin ito. Naniniwala ako na alam na ito ng mga ahensya ng gobyerno at mga mambabatas, dapat lamang na doble ang ating pagsisikap. Halimbawa, isinusulong ng DICT ang agarang pag-apruba sa mga panukalang E-Governance na inihain sa dalawang Kapulungan ng Kongreso. Kailangan natin ito upang maging mabisa at mahusay ang burukrasya.


Mahalaga din ang E-Governance sa pagtataguyod ng digital inclusion dahil sa pamamagitan nito ay maaari nating gawing mas mahusay ang mga pampublikong transaksyon sa pamamagitan ng digitalisasyon, pagbawas sa red tape, maiwasan ang pangangailangang pumila at magpabalik-balik sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno. Itinataguyod din nito ang paggamit ng ICT sa pagpapabuti ng access sa mataas na kalidad na impormasyon at serbisyo ng pamahalaan sa maraming channel.


Dapat nating tiyakin na sa pagtungo sa “new normal” ay walang maiiwan, sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga Pilipino ng mga kagamitan at kasanayan na kailangan nila para umunlad sa gitna ng Fourth Industrial Revolution.


Dahil marami pang lugar sa bansa ang hindi pa rin konektado sa internet, ito ang nag-uudyok sa atin na siguraduhing maikonekta ang bawat barangay sa cyberspace. Ang pag-access sa internet ay nangangahulugan ng pag-access sa mga oportunidad. Nais nating tiyakin na walang Pilipino, anuman ang edad at kasarian, ang maiiwan sa paglalakbay natin sa digital age.

bottom of page