Noong Marso, inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board, na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang 194 high-impact priority projects na nagkakahalagang 9-trilyong piso sa ilalim ng programang Build Better More ng pamahalaan.
Sa simula pa lang ay inihayag na ni Pangulong Bongbong ang kaniyang pagnanais na ipagpatuloy at palawakin ang programang pang-imprastraktura ng nakaraang administrasyon. Isa sa mga proyektong nais niyang ipagpatuloy ay ang Panay-Guimaras-Negros Bridge na bahagi ng Mega Bridge Project—isang serye ng mga maiikli at mahahabang tulay na magdudugtong sa mga islang lalawigan upang tuluyang ikonekta ang Luzon, Visayas, at Mindanao sa pamamagitan ng land travel. Para sa kanya, ang 32-kilometrong Panay-Guimaras-Negros Bridge ay isang mahalagang imprastraktura na magkokonekta sa anim na probinsya ng Kanlurang Visayas sa pamamagitan ng pag-uugnay sa Panay Island (na kinabibilangan ng mga lalawigan ng Aklan, Antique, Capiz at Iloilo) sa Guimaras at Negros Occidental.
Natatandaan ko, noong kasagsagan ng Build, Build, Build ng Administrasyong Duterte, sabi ng mga kritiko ay walang mga proyekto sa Panay island. Hindi yata nila alam na sa buong Kanlurang Visayas, kung saan kabilang ang Panay island, may kabuuang 2,193 kilometrong kalsada, 467 na mga tulay, 508 na mga estrukturang pang-iwas sa baha, at 11,556 na mga silid-aralan ang natapos.
Alam ko ito dahil bukod sa parte ako ng Build, Build, Build Team, ang Kanlurang Visayas ay ang aking home region.
Ang aking ama na si Manuel Lamentillo ay ipinanganak sa Iloilo. Sa katunayan, ang yumaong Ilonggo Senator Miriam Defensor-Santiago ay kaniyang kaklase at kaibigan. Naalala ko noong grade school ako, kapag nagpupunta kami sa probinsya, nagtataka ako kung bakit kailangan naming sumakay ng bangka o eroplano para bumiyahe mula Iloilo hanggang sa kalapit na Negros Occidental. Bakit walang tulay sa pagitan ng dalawang probinsya tulad ng San Juanico Bridge na nagdurugtong sa isla ng Samar at Leyte.
Nang dumating ang panahon ng Build, Build, Build, nagkaroon na ng mga proyektong tulad ng Negros Connector na mag-uugnay sa mga lalawigan ng Negros Occidental at Negros Oriental; ang Tumagbok Bridge sa kahabaan ng Iloilo-Antique Road; ang Bacolod Negros Occidental Economic Highway; ang Antique Esplanade; ang Kalibo Bridge sa Aklan; ang Aganan Bridge na magpapagaan sa paglalakbay sa pagitan ng Maasin at ng mga munisipalidad ng Alimodian at San Miguel sa Iloilo Province; ang Iloilo Bypass Road; Iloilo River Esplanade; Panay East West Highway; at Boracay Circumferential Road, bukod sa iba pa.
Samantala, ang Panay-Guimaras-Negros Bridge ay isa sa mga pangarap ko para sa Panay island. Simula pa lang ay batid na naming hindi matatapos ang proyektong kasinlaki nito sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang layunin namin ay makagawa ng isang blueprint na magiging susi upang maisakatuparan ang pangarap na ito. Kaya naman ako ay natutuwa na si Pangulong Bongbong ay nangako na ipagpatuloy ang pagtatayo nito.
Natutuwa rin ako na malapit ko nang maibahagi sa mga kapwa ko Ilonggo ang kuwento ng Build, Build, Build habang ginagawa natin ang Hiligaynon edition ng Night Owl: A Nationbuilder’s Manual. Ito ang aking pagpupugay sa aking sariling lalawigan at rehiyon.
Higit na pahahalagahan ng mga kapwa ko Ilonggo ang salaysay ng Build, Build, Build at ang kahalagahan ng mga proyektong pang-imprastraktura—mga kalsada, tulay, silid-aralan, mga estrukturang pangontrol sa baha, mga evacuation center, mga proyekto sa paliparan at daungan—upang mapalakas ang lokal na ekonomiya at magbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino lalo na sa kanayunan.